Monday, December 20, 2010

Nasa'n ang Pasko

Tayo ay naliligaw,
O sadyang nililigaw

Natin ang ating mga sarili –
Sa tamang landas ay lumilihis.

Sa'n ba matatagpuan ang pasko?

Sa krismas tri at parol?
Sa malamig na simoy?
Sa awiting pamasko?
Sa mga aguinaldo?

Sa nakabiting medyas?
Sa hamon at mansanas?
Sa tawa ni Santa Klaws?
Sa kislap ng krismas layts?

Tayo sana'y bumalik,
At sana'y manumbalik

Sa ating mga puso't gunita
Yaring gintong katotohanan na:

Sa Kanya nakaukit ang pasko!

Siya ang nagsimula,
Siya ang nasa gitna,
Siya ang kahulugan,
Siya rin ang dahilan.

Ang regalong binigay
Sa buong sangtinakpan;
Ang tala sa liwayway,
Magniningning kaylanman.

Patak

Ika'y karamay
Sa kabiguan,
Ika'y takbuhan
'Pag nalulumbay.

Aking kasama
'Pag nag-iisa,
Kaakbay ko sa
Pangungulila.

Kahit iwan ng
Mga kaybigan,
Ang 'yong kandungan
Aking sumbungan.

'Yong tinutupok
Namuong pusok,
Bumubulusok
Mapulang usok.

'Yong hinahaplos
Pusong may paltos,
Humuhulagpos
Hanging ginapos.