Alaala mo ay tinik kung sumiksik,
Nunukal ang tagapatid nitong sakit,
Pag-ibig ang nagpapahigpit ng kapit,
Sa 'yong yakap at oyayi, ako'y sabik –
Kailan kaya?
Baka bukas, marahil sa makalawa,
O sa tatlong bilyo't isang kisapmata;
'Pag sumabog ang takipsilim na sinag,
Sa ulap, unti-unting mababanaag
Ang iyong ngiti.
Doo'y 'di na muling magkakahiwalay,
Sa giliw mong kandungan ako'y hihimlay;
Nguni't hanggang may apoy pa ang ilawan,
Ako'y maghihintay, ika'y mag-aabang
Sa pag-uwi ko.