Monday, March 7, 2011

Dagsin

Ako'y isang lantang dahon,
Sa hangi'y paalon-alon;
Dahan-dahang bubulusok,
Sa lupa'y makikilahok.

Ako'y tagaktak ng ulan
Na nakikipag-unahan;
Kakatok at mag-iingay
Sa bubong ng mga bahay.

At

Ikaw naman ang daigdig:
Isang dambuhalang magnet;
'Di kita madaig-daig,
Sa 'yo ako'y naaakit.

















Habang ako'y papalapit,
Pagbagsak ko'y bumibilis;
Sana ako'y makakapit –
Ayokong masaktan ulit.

Datapwa't

Wala akong helyo sa tyan,
Hindi ako si Superman,
Walang tinatagong pakpak –
Hindi ko kayang lumipad.

Anupa't hahayaan kong
Tuluyang mahulog sa 'yo;
Kahit saanman humantong
Pero sana’y saluhin mo.