Wednesday, August 11, 2010

Bakit Maalat ang Gatas



















Sangkapat ng baso'y kumukulong tubig,
Kalahati'y mula sa gripong malamig,
Isang kutsara ng Alaska powdered milk,
Tamang dami ng asukal, pampatamis.

Unang dampi ng baso sa mga labi,
Puting likido'y mainit pa nang konti,
Sunod ay higop ng kahapong masakit,
Nawalan ng lasa; ininom nang pilit.

Alaala mo'y pumasok sa 'king bibig,
Nanalaytay sa lalamunang masikip,
Tumungo sa sikmurang namimilipit,
At ngayon, katawan ko ay alumpihit.

Nilagok itong gatas na nalalabi
Nang sa dila'y may kakaibang sumagi –
Bakit maalat?
tanong ko sa sarili
At pinahid ang mga luha sa pisngi.

No comments:

Post a Comment