Monday, September 27, 2010

Ang Tula ay Tula

May mata, may ilong, may dila, may tenga, may balat,
May damdamin, may pag-iisip, may angking ulirat.

Bawat letra, bawat salita, at bawat pambantas
Siya'y ganap – walang idadagdag o ibabawas.

Lahat ng linya't espasyo, kung anuman ang galaw
May sikreto, may binubulong, at may sinisigaw.

May sukat man o umaalon, siya'y may kalul'wa;
May tugma man o tumatalon, tunay na malaya.

Nandyan na s'ya bago pa man iluwal ng makata;
Walang hanggan, s'ya ang Tula, at ang Tula ay Tula.

Friday, September 24, 2010

Paikot-ikot

Tinutulak
ang barbel na kaybigat
Hinahatak,
bakal na kasalungat
Nagbababad
sa gym nang nakapikit
Hinahangad,
katawang mala-Brad Pitt.

Gaano kabigat, ilang ulit?
Hanggang ang kalamnan ba'y mapunit?


Tumatakbo,
naglalakad sa treadmill
Hingal-aso
nguni't 'di tumitigil
Nasusunog,
palamarang calories
Nahuhulog,
mapagparayang pawis.

Gaano kabilis, ilang hakbang?
Hanggang hindi s'ya natitimbuwang?


Pagkatapos,
sa bahay ay nagtungo
Sumalubong
sa kanya'y pork adobo
Humulagpos,
aliping pagtitimpi
Dinaluhong,
taba't kaning kaydami.

Gaano karami, ilang subo?
Hanggang may tutong pa sa kaldero?


Nagsisisi
dahil nabundat siya
Walang silbi
ang pagpapapawis n'ya –
Uulitin
ulit ang naulit na
Pipilitin,
sana'y 'di na madapa.

Gaano katagal, ilang inog?
Hanggang marating, dulo ng bilog?

Itlog

Nandun ang walong itlog
Sa loob ng Lock & Lock,
Nilaga nang pag-irog
Ng puso n'yang busilak.

Tinanggalan ng balat
Gamit ang mga kamay;
Balat ng pagkasalat,
Kamay ng pagsisikhay.

At nang kainin ko na,
Itlog ay walang lasa;
Kahit pa isasaw sa
Asin ng pagsasaya.

Presko pa sa gunita,
Itlog na pabaon n'ya;
Nagpabao'y wala na,
Itlog niya'y buhay pa.

Saturday, September 18, 2010

Pagtakas

Hanapin mo sa Google:
Ang tambuhay at mga obra ni Homer,
Ang kahulugan ng salitang "locavore,"
Ang kakaibang meat dress ni Lady Gaga,
Ang e-book ng tanyag na The Twilight Saga.

Panoorin sa YouTube:
Ang "major major" na sagot ni Ms. Venus,
Ang pangho-hostage sa loob ng isang bus,
Ang mga make-up tutorials ni Michelle Phan,
At ang "racist" rant ni Mayweather kay Pacman.

I-download mo sa Torrent:
Ang lahat ng awitin ng bandang The Script,
Ang Blu-ray copy ng A Nightmare on Elm Street,
Ang dramedy series na Grey's Anatomy,
At sa Quiapo'y magbenta ka ng DVD.

Mag-login ka sa Facebook:
"What's on your mind?" I-type ang sinasaloob,
Comment dito, "like" doon, ika'y maglublob;
Maglaro ng Farm Town, Social City, Zoo World,
Mafia Wars, Happy Aquarium, at Cafe World.

'Kaw ba'y masisisi ko
Kung ang aklata'y 'di mo na tinutungo?
Kung ang dyaryo'y pambalot mo lang ng tuyo?
Kung ang Odyssey Records ay binoboykot?
Kung si Bantay ay laging nakasimangot?

Ika'y nabighani lang
Sa liksi ng galaw at lawak ng pakpak
Ng anak ng bathalang Teknolohiya;
Sa kuko ng Internet, ika'y humawak
At inilipad n'ya ang iyong kalul'wa.

Friday, September 3, 2010

Nang Sumilip Ka (Habang Ako'y Naliligo)

Nagbanlaw na ako nun,
Naalis na ang sabon,
Nguni't hindi pa tapos –
Kelangan pang maghilod.

Nagsimula sa braso
At sa leeg nagtungo,
Sa balikat, sa batok,
Sa dibdib na maumbok.

Sa tiyan at sa likod,
Sa singit na madamo,
Sa hita at sa tuhod,
Papunta sa paa ko.

At muli kang sumungaw,
Libag ng nakaraan;
Sa aking balintataw,
Alaala'y 'yong tangan.

Kahit na kuskusin pa
Ng daliri kong huwad,
Kahit na tangayin pa
Ng tubig ng halakhak.

Hanggang may alikabok
Ng gunita na hayok,
Ika'y sadyang dadapo
Sa katawan kong hubo.

Hanggang may lumalabas
Na pawis ng lumipas,
Ay pilit na babakat
Sa ulila kong balat.