Sunday, October 16, 2011

Suntok Sa Buwan

Pa'no
pakakawalan
ang matagal nang
kumawala.

Ni hindi nahawakan;
ika'y umilanlang
palayo.

At,

Ano
ang wawakasan
eh wala namang
nasimulan.

'Di mo man lang binigyan
kahit katiting na
pagsuyo.

Saturday, August 6, 2011

May Mas Lulungkot Pa Ba Sa Pag-iisa?

Sa loob ng malamlam

Na silid, sa higaan,

Nandoon ang katawan;

Nguni't lumilipad ang

Isipan

Sa ano, saan, kaylan.

Buti pa itong dilaw

At bilog na orasan,

Sa kwarto'y nagbibigay

Ng ingay, kulay, buhay –

May buhay!

Kahit na pabulong lang.



Habang ang electric fan

(May eksena rin naman),

Ako'y dinadampian

Ng hanging maligamgam;

Timtiman

At walang alinlangan.

Yaring kumot at una'y

Mabantot na dahil sa

Pakikipag-ulayaw

Sa aking pawis, laway

At luha

Tuwing gabi't maginaw.

3

Tatlo.
Tatlumpung taon.
Tatlumpung taon na ako.
Tatlumpung taon na akong may layon.
Tatlumpung taon na akong may layong mabuo.

Ilan?
Ilan pa kaya?
Ilan pa kayang baitang?
Ilan pa kayang baitang ang kaya?
Ilan pa kayang baitang ang kayang tuntungan?

Kaylan?
Kaylan dadanas?
Kaylan dadanas sa buhay?
Kaylan dadanas sa buhay ng wagas?
Kaylan dadanas sa buhay ng wagas at tunay?

Saan?
Saan kukuha?
Saan kukuha ng tama?
Saan kukuha ng tamang panukat?
Saan kukuha ng tamang panukat at sukat?

Kapit

Ika'y umalis,
Nguni't pabalik-balik,
Gumuguhit,
Umuukit
Bakas mo'y sumisiksik.

Ayaw maalis,
Sugat ay bumabalik,
Tanging boses
Ay pagtangis –
Yan ang haplos sa tinik.

'Di makaalis,
Babalik at babalik,
Kinakabig
Ng pag-ibig,
'Di luluwag ang kapit.


Monday, March 7, 2011

Dagsin

Ako'y isang lantang dahon,
Sa hangi'y paalon-alon;
Dahan-dahang bubulusok,
Sa lupa'y makikilahok.

Ako'y tagaktak ng ulan
Na nakikipag-unahan;
Kakatok at mag-iingay
Sa bubong ng mga bahay.

At

Ikaw naman ang daigdig:
Isang dambuhalang magnet;
'Di kita madaig-daig,
Sa 'yo ako'y naaakit.

















Habang ako'y papalapit,
Pagbagsak ko'y bumibilis;
Sana ako'y makakapit –
Ayokong masaktan ulit.

Datapwa't

Wala akong helyo sa tyan,
Hindi ako si Superman,
Walang tinatagong pakpak –
Hindi ko kayang lumipad.

Anupa't hahayaan kong
Tuluyang mahulog sa 'yo;
Kahit saanman humantong
Pero sana’y saluhin mo.

Monday, February 21, 2011

GPS

Ako ay nandito –
Dapat bang nandoon?
Sa'ng lupalop ako
Dapat nakatuntong?

Kulang ba ng hakbang?
Baka lagpas naman?
Sa kaliwang daan
Imbes na sa kanan?

Baka ang aga ko
O leyt na masyado?
Dapat bang tumakbo
O maging kontento?

Mali ba ang "oo"?
Ang "hindi" ba'y wasto?
Kung ganya't ganito,
Ang nangyari'y ano?

Wednesday, January 19, 2011

Naghihintay

Alaala mo ay tinik kung sumiksik,
Nunukal ang tagapatid nitong sakit,
Pag-ibig ang nagpapahigpit ng kapit,
Sa 'yong yakap at oyayi, ako'y sabik –

Kailan kaya?

Baka bukas, marahil sa makalawa,
O sa tatlong bilyo't isang kisapmata;
'Pag sumabog ang takipsilim na sinag,
Sa ulap, unti-unting mababanaag

Ang iyong ngiti.

Doo'y 'di na muling magkakahiwalay,
Sa giliw mong kandungan ako'y hihimlay;
Nguni't hanggang may apoy pa ang ilawan,
Ako'y maghihintay, ika'y mag-aabang

Sa pag-uwi ko.