Saturday, August 6, 2011

May Mas Lulungkot Pa Ba Sa Pag-iisa?

Sa loob ng malamlam

Na silid, sa higaan,

Nandoon ang katawan;

Nguni't lumilipad ang

Isipan

Sa ano, saan, kaylan.

Buti pa itong dilaw

At bilog na orasan,

Sa kwarto'y nagbibigay

Ng ingay, kulay, buhay –

May buhay!

Kahit na pabulong lang.



Habang ang electric fan

(May eksena rin naman),

Ako'y dinadampian

Ng hanging maligamgam;

Timtiman

At walang alinlangan.

Yaring kumot at una'y

Mabantot na dahil sa

Pakikipag-ulayaw

Sa aking pawis, laway

At luha

Tuwing gabi't maginaw.

No comments:

Post a Comment