Thursday, July 15, 2010

Pagbubuhat

Sa loob ng tatlong saglit, binaba n'ya,
Nang malapit na sa dibdib ay naghanda;
Ang bigat ay dagling tinulak pataas,
Nang nasa tuktok na, hangi'y pinaalpas.

Taas, baba, taas, baba, taas, baba,
Hugot, buga, hugot, buga ng hininga,
Sulong, urong, sulong, urong, bumibira,
Pawisan at ngalay na nguni't kaya pa!

Paa'y pumapadyak sa sementong sahig,
Ang katawan nama'y nanginginig-nginig,
Natitirang lakas ay kanyang ginamit –
Huling climax, at ang barbel ay binalik.

Handa















Hipan mo ang kandilang nakatirik sa tsokoleyt keyk
Tulad ng pag-ihip sa kanin ko nung ako pa'y paslit;
Mga bulaklak na icing – may dilaw, narangha at pink,
Kasingtamis ng iyong mga ngiti, walang kapalit.

Sana'y mabusog ka sa nilutong afritadang manok
Kagaya ng pagkabusog namin sa pagmamahal mo;
Bell pepper, patatas, carrot, at repolyo'y inilahok –
Ganyan kakulay ang buhay na ipinagkaloob mo.

Kumain ka rin ng pancit bihong may sahog na baboy,
Ito'y simbolo ng pisi mong kayhaba’t tuloy-tuloy;
Pigaan mo pa ng kalamansi nang sumarap lalo,
Kasingsarap ng damdaming dulot ng mga yakap mo.

Sana’y mapawi ang uhaw mo sa Coke na umuusok
Gaya ng pagpahid mo sa luha kong hatid ng lungkot...
At dinggin mo ang pagbati ng puso kong tumitibok,
Ang wika’y maligayang kaarawan, ina kong irog.

Mangga



Ngayon ko lang natanto, mahirap pala
Kumain ng mangga habang lumuluha;
Luhang dulot ng aking pag-alaala
Sa nakaraan nang kita'y kapiling pa.

Habang itong prutas ay tinatalupan,
Ingay ng pagtangis ay pinipigilan
Upang 'di mapansin ng naninirahan
Sa katapat na silid sa aming compound.

Kasabay ng paggunita sa 'yo, inay
Katas ng mangga'y dumadaloy sa kamay;
Pumapatak din, tubig sa mga mata
Pati ang sipon ko ay tumutulo na.

Hikbi, subo, nguya, singhot, tapos lunok,
Buntong-hininga, subo ulit, at sinok,
Inom ng Tropicana Twister Juicy Pulp –
Sana'y mapatid ang sakit in just one gulp.

Ubos na ang apat na pirasong mangga,
Dibdib ko naman ngayon ay maluwag na;
Simula nang ikaw sa mundo'y nawalay,
Luha ang tagapawi ng aking lumbay.

Pag-iisa

Katawa'y nakabaluktot sa higaan,
Kayakap si Taz na paboritong unan,
Hinehele ng ingay ng electric fan,
Kumot ay pangungulila't kalungkutan.

Bumalikwas siya't nagtimpla ng gatas
Umaasang ang tryptophan ay tatalab –
Sana'y antukin ang pagod na ulirat
At sandaling makalimutan ang lahat.















Nakakapaso ang silahis ng Mayo
Nguni't nababalot ng lamig ang puso;
Makapal na nyebe'y 'di kayang iguho
Ng kahit ilang tag-araw at El Niño.

Alingawngaw ng awiting "Ikaw na nga",
Ngawa ng pinapalong paslit na bata,
Harurot ng nag-uunahang sasakyan,
Pero dama n'yang siya'y mag-isa lamang.

Ito ba ang gustong sabihin, ilahad
Ng mga krus at ekis sa kanyang palad
O lagusan na sadya niyang tinahak
Kahit may daang sementado't malawak?

Ipis

At nakita ko na naman
Ang kulay brown na nilalang,
Sa lababo'y gumagapang
Papalapit sa hugasan.



Shoo! Sabi ko sabay kumpas
Ng kamay para lumayas
ang insekto. Hay salamat
At umalis na ang ungas.

Nguni't lumipad papunta
Sa aming munting lamesa;
Kakainis lang talaga
Nag-landing pa sa tinola.

Lumangoy siya sa sabaw,
Nagkalat ng salmonella,
At umahon ang halimaw –
"I will survive" ang drama n’ya

Pumailanlang na naman
(Feeling butterfly ampotah)
Ngayo'y sa akin patungo,
Sa ulo ko pa dumapo.

Yuck! Kaagad kong pinitik
Ang ipis, laglag sa sahig,
Tihaya't di makaalis,
Mga paa'y kumakahig.

Hinawakan sa antena
Nangingisay-ngisay pa s'ya
Sa inidoro'y nai-shoot
At "flushed away" ang inabot.

MRT

Tumungo
sa loob,
umupo.

Tumabi
sa seksing
babae.

Kaagad
kinuha
ang iPod.

Nakinig
sa himig
ng The Script.

Paghinto
sa Cubao –
naku po!

Unahan,
tulakan,
siksikan,

Upua'y
binigay
kay nanay.

Magandang
tularan,
gentleman.

Humawak
sa pilak
na bakal.

Masikip,
mainit –
kainip.

Nang biglang
makina'y
namatay

Sabi'y may
problemang
teknikal.

5 minutes,
bumalik
na ulit.

Datapwa't
pawisan
na lahat.

Nagdaan
sa ibang
istasyon.

Ngalay na
ang kamay
at paa...

Dito na
sa wakas,
lumabas.

Kay inam
huminga,
ginhawa.

Pagkapa
sa bulsa –
wala na!

Cellphone n'ya
na gawa
sa China.

Luha

Naglalakad sa maingay na lansangan,
Samutsaring bagay ang nasa isipan –
Anong mangyayari sa kinabukasan
Ngayong ikaw ay tuluyan nang lumisan?

Simula nang ako’y iyong iniluwal
Dito sa daigdig na puno ng kulay,
Dama ko ang busilak mong pagmamahal,
At pag-aaruga na walang kapantay.

Isusubo mo na’y ibibigay mo pa
Sa bunsong minamahal mo sa tuwina;
Matatag na hinarap, bawat umaga
Nang maibsan kalam ng aking sikmura.

Bilang kasambahay, ika’y namasukan,
Nag-alaga ng mga batang mayaman,
Nagsakripisyo ka’t ininda ang pagal,
Nagsikap upang ako’y makapag-aral.

Patuloy kang naging ilaw ng tahanan,
Lumaki ang buto ko at kaalaman,
Utang ko sa ‘yo ang kinatatayuan –
Kaya pasasalamat ko’y walang hanggan.

Huling sinabi mo sa akin ay “ingat”
Kasabay ng ngiting tandang-tanda ko pa;
‘Di ko akalaing yun pala ay hudyat
Na nagpapaalam ka na, aking ina.

Kasabay ng pag-alis mo’y may naparam
Na isang bahagi sa buhay kong hiram;
Ito ay nagdulot ng malaking sugat
At sa ulilang puso’y nagpapabigat.

Kaya hayaan mong luha ko’y pumatak,
Ito‘y paraan ko upang ipahayag
Ang aking nadarama, ina kong liyag
Dahil sabik na ako sa iyong yakap.

Diyeta



Ito’y nagsimula noong bagong taon
Pagkatapos lumamon ng keyk at hamon;
Sinimulan niya bilang resolusyon –
Panibagong buhay, iiwas sa litson.

Sa unang araw, nagtagumpay si Kolet:
Wala nang matatamis, pati tsokoleyt,
Inisnab ang sorbetes sa loob ng ref,
Tumanggi sa brownies na bigay ng bf.

Isang tasa ng kanin bawat kainan,
Dapat walang taba sa anumang ulam,
Gulay at prutas, ‘di kinakalimutan,
Biskwit at tubig, ‘pag sikmura’y kumalam.

Sit-up at jogging, siya’y laging pawisan,
Walang hinto kahit siya’y pagtawanan;
Determinado siya na mabawasan
Ang tatlumpu’t anim na pulgadang bewang.

Enero singko, iyon ay hatinggabi
Sa uhaw ay nagising si Mommy Rubi;
Pagdating sa kusina ay may napansing
Isang aninong nagkukubli sa dilim.

Dali-dali nitong inapuhap ang switch
At sumambulat ang liwanag sa silid;
Tanging nasambit ng ina ay “tsk tsk tsk”
Si Kolet lang pala, may ice cream sa bibig.

Hatid ng Ulan

Pasasalamat ng magsasaka’y lubos
Nang nagkakatusak na ula’y bumuhos
Dahil napigta, lupang inaararo
At nadiligan ang mga punlang bago.

Ang labandera nama’y nakasimangot;
Ula’y lumusong nang walang pahintulot
Mga isinampay tuloy ay napuyog,
Matagal natuyo, nangamoy pang kulog.


















Tuwang-tuwa, mga batang naglalaro
Sa gitna ng ulan sila’y walang hinto;
Habulan, tawanan, sabay ang paligo
Baliwala lang, lagnat man ang matamo.

Pakendeng-kendeng pa, baklang nakapayong
Kahit umuulan, mahaba ang takong;
‘Di sinasadyang sa daa’y nadausdos
Bumagsak siya’t putik ang naipulbos.

Cadena de Comida

Nginatngat ng uod ang dahon na lungti,

Tinuka ng sisiw ang uod sa tangkay,

Sinakmal ng daga ang sisiw na munti,

Nilamon ng sawa ang daga nang buhay,

Nagsawa ang lawin sa sawang nahuli,

Binaril ng tao ang lawin, kinain.

At dumating ang araw, tao’y namatay –

Inagnas ng baktirya ang kanyang bangkay.

Pasasalamat

Kahit na walang silbi itong paningin,
Pasasalamat ko’y ihahatid pa rin
Sa Panginoong nagbigay-buhay sa ‘kin
Dahil sa biyayang pandinig na angkin:
Dalawang tainga’y aking nagagamit
Upang mensahe’y malinaw na makamit.
‘Di ko man matanaw ibong maririkit,
Naririnig ko naman, kanilang awit.
- Bulag

Kahit na imposibleng makapagwika
Ng anumang pangungusap o kataga,
Puso ko’y nagpapahayag ng “Salamat”
Sa Poon na ang pagmamahal ay tapat
Sapagkat may mga daliri at kamay
Na nagsisilbing dila ng aking buhay.
Kahit ‘di ko masabi ang nadarama,
Ayon sa mga senyas ko: Mahal kita.
- Pipi

Kahit na hindi ako makaulinig
Ng kundiman o oyayi ng kuliglig,
Ako’y nagpapasalamat nang mahigit
Sa Diyos na kumapal ng lupa’t langit
Dahil sa mga matang kaloob sa ‘kin
Na gabay, tanglaw sa daang hahakbangin.
Ingay ng ula’y ‘di ko nga napapansin,
Dapwa’t ang bahaghari’y abot ng tingin.
- Bingi

Si Punggok

Ang bunso’y napalundag dahil sa galak
Nang bigyan ng asong maaalagaan;
Punggok ang ipinangalan dahil pandak
At putol ang buntot na nasa hulihan.

Bukod sa kasipagan sa pagbabantay,
Siya ay malapit sa puso ng tanan
Maliban lamang sa lasenggerong tatay
Na nananakit kung kanyang lalapitan.

Isang gabi, si Mang Kardo ay dumating:
Gumigiray-giray sa daang madilim,
Tangan ng kamay ay bote ng inumin –
Subali’t ang aso’y sumalubong pa rin....

Ang umaga’y ginising ng iyak ni Ben
Dahil walang alagang dito’y lumambing –
Si Punggok kasi’y payapang nahihimbing
Sa likod ng dampa, lupa ang kapiling.

Sa Kabilang Mundo...

Rektanggulong salamin na nasa dinding,
Katawan ko sana ay iyong lamunin
Patungo sa kabilang mundo na angkin
Ng iyong kristal, makinang na imahen
Kung saan ang paligid ay kinulayan
Ng modernisasyon at ng kaunlarang
Idinudulot ng makabagong agham
Sa tulong ng mga imbentor na paham.

Diyan makikita ang mga gusaling
Nagtataasan at pawang abot-langit;
Mga sasakyang nag-uunahan mandin
Sa lupa, sa tubig, at sa papawirin.
Bunga ng teknolohiya’y mapapansin:
Komunikasyo’y dumadaan sa hangin,
Kompyuter ang kalimitang ginagamit,
Bagong tuklas sa medisina’y tanyag din.

Nguni’t... sa kabila ng kaalwanan d’yan,
Bakit may mga pulubi sa lansangan
At mga tiyang mahapdi’t walang laman?
Bakit napupuksa pati kalikasan?
Bakit sa sakit, maraming namamatay?
Bakit digmaa’y nagiging karaniwan?
Bakit moralidad ay bumababa man
At sa Maykapal, tao’y humihiwalay?

Ngayo’y malinaw na sa aking isipan:
Akala ko ang tana’y nasisiyahan
Nguni’t langit din pala’y nagagayakan
Ng mga nagluluksang ulap na sadyang
Nakikibanto sa kaunting bituing
Nananatili pa rin sa pagluningning.
Ganiyan ang mundong saklaw mo salamin –
Hiling ko’y ‘wag mo nalang akong lamunin.

Ang Manghahasik

May isang magsasakang lumabas upang maghasik.

Sa paghahasik n’ya’y may binhing nalaglag
Sa tabing-daan; nadaganan ng yapak.
Kapagdaka’y dumating ang mga ibon
At pinagtutuka ang binhing naroon.

Mayr’on namang sa kabatuhan nalaglag
Kung saan ang binhi’y sumibol kaagad –
Subali’t nalanta rin nang napabilad,
Palibhasa ay walang gaanong ugat.

May binhi namang sa dawagan nalaglag;
Umusbong sa gitna ng tinik at kalat –
Datapwa’t ang dawag ay sadyang lumago
At ininis ang mga binhing tumubo....

Ang iba’y sa matabang lupa nalaglag;
Sumibol at lumabay ang mga tangkay,
Namunga nang mainam, nagkakatusak:
May tigsasandaang butil bawat uhay.

Karimlan



Nakakabulag.
Animo’y nasa gitna ng karagatan ng buhangin
Kung saan ningas ang bubong at alikabok ang hangin
Dalawang mata’y dilat man, tila nakapiring pa rin
‘Pagkat lingid sa kaalaman ang daang hahakbangin.

Nakakalunod.
Anaki’y nasa kailaliman ng pusod ng dagat
Pinaiimbabawan ng mga along mapanghamak
Bigat ng katawa’y tila kadenang kumakaladkad
Sa kabuuan patungo sa ilalim na ‘di tiyak.

Nakakalula.
Waring nasa taluktok ng batong pinalilibutan
Ng banging matarik, nakakaliyo at walang hanggan
Matutulis na bato’y mga pangil na nag-aabang
Bunganga ng kamataya’y nakanganga’t nakatambang.

Nakakatakot.
Mandi’y nag-iisa sa loob ng kuwebang madilim
Na daigdig ng mga paniking nakaririmarim
Nakakapanindig-balahibo ang lamig ng hangin
May pangamba ang kalooban sa nagbabantang lagim.

Kisapmata

Sa bawat paghinga ng isang inakay,
Maninipis na pakpak, ikinakampay;
‘Di nagtagal mga bagwis ay lumabay:
Umimbulog siya, sa hangi’y sumabay.
















Sa bawat pagpatak ng ulang tikatik,
Batong matigas, lumalambot nang pilit.
Bagama’t tagaktak ay waring tilamsik –
Sa kalaunan, bato’y nagiging putik.

Sa bawat paghakbang nitong manlalakbay
Sa disyertong malawak, nakakasilaw,
Binabata ang alab ng haring araw
Hanggang makatuntong sa lupaing pakay.

Sa bawat pag-ihip ng hanging amihan,
Dahong lanta’y nalalaglag nang tuluyan;
Lumulusong nang pahilig sa damuhan
At humihimlay sa itim na higaan.

Sa bawat pagtulo ng pawis ng dukhang
Magsasaka sa lupa ng araruhan,
Umuusbong mga uhay na luntian
At sumasagana hanggang sa anihan.

Sa bawat sandali buhat nang isilang
Ang sanggol na hindi pa nagkakamuwang,
Unti-unting lumalago ang isipan
Hanggang maging malaya’t makabuluhan.

Sa bawat kisapmata ay umiinog
Ang sangkalupaang ginagalawan mo;
Kasabay nito’y may mga pagbabagong
Bahagi ng tadhanang Kanyang plinano.

Guro

Sa kanyang pagtuturo’t pag-aaruga
Para sa kapakanan ng ating bansa,
Nagtitiis at nagsisikhay nang lubha
Upang kabataa’y maging mahalaga.

Mapagtotoo siyang nagsusumikap
Upang kabuhaya’y matuwid nang ganap;
Butil ng karunungan, kanyang pangarap
Sa mga mag-aaral at hinaharap.

Bilang pangalawa sa mga magulang,
S’ya ri’y tagahubog ng kaugalian:
Wastong pangangaral ay inilalaan
At ipinupunla sa murang isipan.

Ginintuang kaalama’t impormasyon
Ang laging nilalaman ng bawat leksyon;
Binhing kakayahan ay pinauusbong
Nang sa karukhaan baya’y maiahon.

Ang pagiging guro’y isang katungkulan
Na sa ‘ting kalinanga’y makabuluhan;
S’ya’y tagapagsulong ng kinabukasan
Para matamo ginhawang inaasam.

Bulaklak















Sa simula ako’y isang buko lamang
Na umumbok, umusbong nang dahan-dahan;
Lumago’t bumukadkad itong katawang
Larawan ng pag-ibig at kagandahan.

Mukha ko’y kabigha-bighani’t dalisay,
Mga talulot ko’y mayumi’t makulay,
Taglay ay mga dahong berde’t malabay,
Sa simoy ng hangin ako’y sumasayaw.

Ako’y nilalang na may angking kariktan,
Halimuyak ko’y inaasam ninuman,
Alindog ko’y tanda ng pagmamahalan,
At ito’y simbulo ng kaligayahan.

Sa tuwing ako ay inyong pagmamasdan –
Luwalhati’t galak, inyong makakamtan,
Sulirani’y magmamaliw sa isipan,
Ang madarama ninyo’y katahimikan.

Paru-paro’t bubuyog sa halamanan
Ay maigayang nagsisipagliparan;
Sila’y naglalaro at nag-uunahan
Sa pagdapo upang nektar ko’y matikman.

Araw at gabi sa aki’y nagdaraan,
Init at ginaw’y aking nararanasan;
‘Pagkat bahagi na ng kasalukuyan
At may tungkuling nararapat gampanan.

Kasabay ng pag-agos ng aking buhay
Imahen nama’y nawawalan ng saysay:
Ako’y naluluoy, pisngi’y pumupusyaw;
Samyo’t kariktan ko’y sadyang nawawalay.

Datapwa’t lingid sa inyong kaalaman
Ako’y nalulungkot at nanghihinayang –
Handog ko nga’y pag-irog at karilagan;
Buhay ko nama’y panandalian lamang.

Pitong “Ako” na Kasabihan ni Jesu-Cristo

Ako ang pagkaing nagbibigay-buhay
Ng sinumang nagugutom, nauuhaw.
Tanging pananalig ninyo’y kailangan –
Lumapit lamang at kayo’y pagbibigyan.

Ako ang ilaw ng buong sanlibutan
Upang karimlan sa landas ay maparam.
‘Di na muling matitisod sa paghakbang –
Sumunod lamang at kayo’y gagabayan.

Ako ang pintuang ‘tungo sa pastulan
Kung saan ang damo’y sariwa’t luntian.
Kayong naghahanap ng kal’walhatian,
Pumasok lamang, ito’y masusumpungan.

Ako ang mabuting pastol na nag-alay
Ng buhay para sa ‘King sangkatauhan.
Mga tupang ligaw at nahihirapan,
Tumawag lamang, kayo’y sasaklolohan.

Ako ang muling pagkabuhay at buhay;
Pag-asa ng lahat sa mundong ibabaw.
Ngayon ang tamang araw ng pagliligtas –
Manalig lamang at kayo’y itataas.















Ako ang daan at ang katotohanan;
Taong nagsisilbing tagapamagitan.
Kung nais ninyong sa Ama’y makapunta,
Kilalanin lamang Ako na anak Niya.

Ako ang s’yang tunay na puno ng ubas
Na nasa pagkandili ng aking ama;
Kayo naman ang mga liyag Kong sanga –
Manatili lamang nang kayo’y mamunga.

Sana

Sana’y agila akong malayang pumapaimbulog,
Kapiling ng kaalapaapang pagkatayug-tayog,
Pumapailanlang sa mga nagtatarikang bundok,
Lumilipad nang sarinlan saanmang dako umabot.

Sana’y punungkahoy akong sagana sa daho’t matatag,
Hitik sa bunga’t teritoryo ng ibong namumugad,
Init at alab ng araw’y binabata, hinaharap,
Hambalos man ng unos, ‘di maaaring makabuwag.

Sana’y ulan akong nagkakatusak na lumulusong
Sa lupaing nasasabik at nauhaw nang malaon;
Dumidilig sa mga halama’t punungkahoy doon
Upang mga sanga’y sumigla, mga daho’y yumabong.



Sana’y apoy ako ng kandilang umaandap-andap
Kahit na handog ay yaring munti’t dilaw na lagablab;
Nagsisilbing banaag ng sinumang umaapuhap
Sa sulok ng karimlan, katotohana’y hinahanap.

Sana’y tupa ako sa malaparaisong pastulan,
Puspos ng luwalhati sa dakong kinaroroonan;
Mapagkandiling PASTOL sa ‘ki’y lubos na humihirang,
Tanging gabay nang ‘di masadlak sa kapariwaraan.

Tandang at Kuliglig

Sumapit na naman ang bukang liwayway
Kaya si Tandang, nagsimulang sumabay
Sa tilaukang hudyat ng mga tatyaw
Na nalalapit na, pagsikat ng araw.

Habang si Kuliglig, humuhuni lamang
Munting tinig nito’y kay-inam pakinggan
Sa “ingay” ng manok, ‘di siya nasisiyahan
Kaya sa nauna ito’y nangatwiran:

“Madaling-araw pa naman, ‘di ba Tandang?
Mga tao’y tulog pa’t nahihingalay
Kung sa pagtitilaok, ‘di ka tatahan
Pagkakahimbing nila’y baka mahumpay.

“Tingnan mo ako’t hinihele ko pa nga
Silang mga giliw kong namamahinga
Pagtulog ‘di ba’y kailangan din naman
Kaya ‘wag mo silang gambalain nalang.”

“Kahit na pang-aabala,” tugon niya,
“Ang turing ng iba sa ‘king ginagawa
Ito ay tungkuling gawad ni Bathala
Na matapat ko pa ring isasagawa.

“Mali ba, Kuliglig, ang magpaalala?
Oo nga, mga tao’y nahihimlay pa;
Tilaok ko’y isang hudyat sa kanila
Upang makapagsimula nang maaga.”

Alitaptap at Bulaklak

Isang gabi, nang tahimik ang paligid,
Munting Alitaptap, pumasok sa hardin;
Sa mga halaman s’ya’y umaaligid
Taglay ang kislap na makatawag-pansin.

Sa gitna ng hardin, doon nakatindig
Ang nag-iisang Bulaklak na marikit.
Kawayang bakod dito’y nakapaligid,
Lupang kandungan ay aruga sa dilig.

Maya-maya, ito’y kanyang naaninag
Kaya si Bulaklak, nilapitan agad;
Walang ulik-ulik n’yang naipahayag:
“Magandang gabi, kaibigang marilag!”

“Magandang gabi rin sa ‘yo Alitaptap!”
Magiliw na tugon nito sa kulisap.
“Nagagalak akong ika’y makaharap,
Nakagaganyak kasi ang iyong kislap.”

“Ikinagagalak ko man na dumalaw
Sa iyo dito sa bulwagang mapanglaw.”
Pagkatapos ay dumapo s’ya sa kamay
Na lungti nitong katotong kumakaway.

“Tanging magawa ko ngayo’y umulinig,”
Ani Bulaklak, “ng sutsot ng kuliglig.
Wala nang ibang mapagkunan ng aliw –
Hindi tulad mong nakapagliliwaliw.

“Talastas mo bang ika’y hinahangaan
Ng sinuman tuwing ika’y namamasdang
May tangan-tangang umaandap na ilaw.”
Ito’y tumingala’t sa langit tumanaw.

“Katumbas mo’y bituin,” patuloy nito,
“At kawangis ng naginingning na ginto,
Samantalang ako’y tulad ng anino:
Saklaw ng karimlan kaya di maino.”

“’Di ba’t ang mundo’y umiinog,” pakli n’ya,
“Pagkatapos ng gabi ay may umaga.
Liwanag ko ngayo’y masisilayan pa
Subali’t pagsikat ng araw’y wala na.

“Sa pagsambulat ng ginintuang sinag,
Alindog mo ring taglay ay malalantad –
Paparo’t bubuyog ay mag-aagawan,
Papuri’t pansin ika’y pag-uukulan.”

Biglang humampas ang simoy na maginaw
Na sanhi upang mga daho’y gumalaw.
Ang Alitaptap nama’y muling kumampay
At sa ere siya’y minsang pang sumakay.

Bilang kaibigan, siya ay nangaral:
“Bawat nilalang sa mundo’y nagtataglay
Ng katangiang bigay ng Maykapal
Kaya marapat na ito’y bigyang-saysay.

“H’wag mong maliitin ang iyong kariktan
Kahit na kislap ko ang hinahangaan.
Sa tamang panahon, maghintay ka lamang
At malalaman mong may bahagi ka man.”

Ulan

Makukulim na panganori’y nagbunton sa langit,
Nakasisindak na kidlat sa kalawaka’y gumuhit,
Dumagundong ang kulog animo’y leong mabalasik,
Kasunod ang pagpatak ng luhang sa mundo’y humalik.

Saganang butil ng ula’y bumuhos saanmang pook:
Tumagaktak sa kapatagan, parang at mga bundok;
Sumanib, humalo sa tubig-dagat, bukal at ilog;
Yumakap sa mga bulaklak na uhaw sa pag-irog.

Sa paglusong ng biyaya mga daho’y umindayog,
Mga palaka’y nagsiawita’t sa tuwa’y nagdaos,
Nangangalirang na lupa’t bato’y tinigmak nang lubos,
Pagkamuhi sa puso’t isipa’y pinawi, dinurog.

Ula’y sinaliwan yaring sumusutsot na agay-ay,
Dulot nito’y melodiyang nakahahalinang tunay,
Nakalulugod ulinigi’t sa hamaka’y humimlay,
Waring oyayi sa kandungan ng magiliw na inay.

Pagkalipas ng maraming sandali, ula’y tumahan
Matapos sariwain ang pisngi ng sangkalupaan;
Silahis ng araw’y muling sumungaw sa kaulapan,
Kurbadang balangaw sa kaitaasa’y lumarawan.

Bukang-Liwayway

Habang ako’y nahihimlay nang tiwasay,
Tilaok ng tatyaw sa aki’y pumukaw;
Galak ng damdamin ko’y nag-uumapaw
‘Pagkat sumapit na ang bukang-liwayway.

Ako’y bumalikwas sa aking higaan
Upang buksan, kuwadradong durungawan –
O, kaaya-ayang tanawi’y tunghayan,
Gayundin ang malamlam nitong larawan.

Buwang hugis duya’y kaniig ng ulap,
Nag-iisang tala’y kumikisap-kisap,
Mga damo’t puno’y sumasayaw-sayaw
Sa ritmo at himig ng hanging maginaw.

Maaagap na ibo’y nag-aawitan,
Huni ng kuliglig, mauulinigan,
Ga-butil na hamog sa dahong luntian,
Ngiti ng kabulaklaka’y mamamasdan.

Tuwing dumaratal ang bukang-liwayway
Pag-asa ko’t sigla’y umaalingangaw;
Kalooba’y nagkakaroon ng tibay
Upang salubungin, pagsilang ng araw.

Masdan Mo ang Daigdig, Masdan Mo ang Bukas


Masdan mo ang daigdig na liyag
Na noon ay lubos na marilag;
Masdan mo ang kanyang hinaharap
Na nagiging mapanglaw, masaklap.

Mga kabunduka’t kagubatan
Na dati’y likas sa kayamanan,
Ngayon ay tila isang larawan
Ng pagtitiis at kahirapan.

Karagata’y malalim at bughaw,
Mga ilog at lawa’y kaylinaw,
Biyaya’t tulong sa atiy alay;
Subali’t ngayon ay namamatay.

Mga punong kay-inam akyatin
At dulot nila’y sariwang hangin
Ay bihira na sa ‘ting paningin
Dahil sa lupit na naaangkin.

Saganang hayop na gumagapang,
At mga ibong nagliliparan,
Maraming isdang naglalanguyan;
Nguni’t ngayon sila’y napaparam.

Maganda’t kulay asul na langit
Ay malapit nang magkulay putik;
Sinag ng araw’y lubhang mainit
At naghahasik ng hapdi’t sakit.

Populasyo’y sadyang humihigit
At sa pag-unlad ito’y balakid;
Dumi’y nagkalat sa himpapawid
At kamandag ang inihahatid.

Sa mundo’y hindi ginugunita
Pag-ibig sa kilos, puso’t diwa;
Kabutihan sa kapwa’y kupas na,
Ang namumuo’y galit at luha.

Maraming krimen ang nagaganap,
Lahat ng gulo ay nalalasap,
Kapayapaa’y ‘di na mayakap,
Pag-asa ay nagiging mailap.

Masdan mo ang daigdig na lalang
Ng Poong sa ati’y humihirang;
Tanawin mo ang kinabukasang
Ang gumigiba’y ikaw rin naman.

Makata

Inilalarawan ang samutsaring imahinasyong
Saklaw ng isipang malikhain, pumapaimbulog;
Iginuguhit n’ya sa mukha ng mundong umiinog
Gamit ang panulat na simbulo ng buhay na handog.

Ipinapahayag ang damdamin ng kaibuturan
Maging ito’y pagmamahal, galak o pagkamuhi man;
Kanyang pluma’y lumuluha sa papel ng kapalaran
Upang iakma ang bawat kataga sa taludturan.

Ipinipinta ang naaabot ng kanyang paningin
Pati na ang umaalingawngaw sa kanyang pandinig;
Bukod sa lunti’t busilak, pinta’y may kulay itim din
Nang ito’y magsilbing salamin ng mga pusong manhid.

Isinasatitik ang pangarap na nais makamtan
Sa sulatang manipis, napupunit sa kalaunan
Nguni’t isang pamukaw-sigla ng tanang nagsisikap;
Tanging hamon sa sinuman, tagumpay ay maapuhap.

Pangunahing Saknong

This is a compilation of my Tagalog poetry. A reflection of what I see, what I feel, what I imagine, and what I dream of. Enjoy... (-: