Thursday, July 15, 2010

Alitaptap at Bulaklak

Isang gabi, nang tahimik ang paligid,
Munting Alitaptap, pumasok sa hardin;
Sa mga halaman s’ya’y umaaligid
Taglay ang kislap na makatawag-pansin.

Sa gitna ng hardin, doon nakatindig
Ang nag-iisang Bulaklak na marikit.
Kawayang bakod dito’y nakapaligid,
Lupang kandungan ay aruga sa dilig.

Maya-maya, ito’y kanyang naaninag
Kaya si Bulaklak, nilapitan agad;
Walang ulik-ulik n’yang naipahayag:
“Magandang gabi, kaibigang marilag!”

“Magandang gabi rin sa ‘yo Alitaptap!”
Magiliw na tugon nito sa kulisap.
“Nagagalak akong ika’y makaharap,
Nakagaganyak kasi ang iyong kislap.”

“Ikinagagalak ko man na dumalaw
Sa iyo dito sa bulwagang mapanglaw.”
Pagkatapos ay dumapo s’ya sa kamay
Na lungti nitong katotong kumakaway.

“Tanging magawa ko ngayo’y umulinig,”
Ani Bulaklak, “ng sutsot ng kuliglig.
Wala nang ibang mapagkunan ng aliw –
Hindi tulad mong nakapagliliwaliw.

“Talastas mo bang ika’y hinahangaan
Ng sinuman tuwing ika’y namamasdang
May tangan-tangang umaandap na ilaw.”
Ito’y tumingala’t sa langit tumanaw.

“Katumbas mo’y bituin,” patuloy nito,
“At kawangis ng naginingning na ginto,
Samantalang ako’y tulad ng anino:
Saklaw ng karimlan kaya di maino.”

“’Di ba’t ang mundo’y umiinog,” pakli n’ya,
“Pagkatapos ng gabi ay may umaga.
Liwanag ko ngayo’y masisilayan pa
Subali’t pagsikat ng araw’y wala na.

“Sa pagsambulat ng ginintuang sinag,
Alindog mo ring taglay ay malalantad –
Paparo’t bubuyog ay mag-aagawan,
Papuri’t pansin ika’y pag-uukulan.”

Biglang humampas ang simoy na maginaw
Na sanhi upang mga daho’y gumalaw.
Ang Alitaptap nama’y muling kumampay
At sa ere siya’y minsang pang sumakay.

Bilang kaibigan, siya ay nangaral:
“Bawat nilalang sa mundo’y nagtataglay
Ng katangiang bigay ng Maykapal
Kaya marapat na ito’y bigyang-saysay.

“H’wag mong maliitin ang iyong kariktan
Kahit na kislap ko ang hinahangaan.
Sa tamang panahon, maghintay ka lamang
At malalaman mong may bahagi ka man.”

No comments:

Post a Comment