Thursday, July 15, 2010

Luha

Naglalakad sa maingay na lansangan,
Samutsaring bagay ang nasa isipan –
Anong mangyayari sa kinabukasan
Ngayong ikaw ay tuluyan nang lumisan?

Simula nang ako’y iyong iniluwal
Dito sa daigdig na puno ng kulay,
Dama ko ang busilak mong pagmamahal,
At pag-aaruga na walang kapantay.

Isusubo mo na’y ibibigay mo pa
Sa bunsong minamahal mo sa tuwina;
Matatag na hinarap, bawat umaga
Nang maibsan kalam ng aking sikmura.

Bilang kasambahay, ika’y namasukan,
Nag-alaga ng mga batang mayaman,
Nagsakripisyo ka’t ininda ang pagal,
Nagsikap upang ako’y makapag-aral.

Patuloy kang naging ilaw ng tahanan,
Lumaki ang buto ko at kaalaman,
Utang ko sa ‘yo ang kinatatayuan –
Kaya pasasalamat ko’y walang hanggan.

Huling sinabi mo sa akin ay “ingat”
Kasabay ng ngiting tandang-tanda ko pa;
‘Di ko akalaing yun pala ay hudyat
Na nagpapaalam ka na, aking ina.

Kasabay ng pag-alis mo’y may naparam
Na isang bahagi sa buhay kong hiram;
Ito ay nagdulot ng malaking sugat
At sa ulilang puso’y nagpapabigat.

Kaya hayaan mong luha ko’y pumatak,
Ito‘y paraan ko upang ipahayag
Ang aking nadarama, ina kong liyag
Dahil sabik na ako sa iyong yakap.

No comments:

Post a Comment