Thursday, July 15, 2010

Bulaklak















Sa simula ako’y isang buko lamang
Na umumbok, umusbong nang dahan-dahan;
Lumago’t bumukadkad itong katawang
Larawan ng pag-ibig at kagandahan.

Mukha ko’y kabigha-bighani’t dalisay,
Mga talulot ko’y mayumi’t makulay,
Taglay ay mga dahong berde’t malabay,
Sa simoy ng hangin ako’y sumasayaw.

Ako’y nilalang na may angking kariktan,
Halimuyak ko’y inaasam ninuman,
Alindog ko’y tanda ng pagmamahalan,
At ito’y simbulo ng kaligayahan.

Sa tuwing ako ay inyong pagmamasdan –
Luwalhati’t galak, inyong makakamtan,
Sulirani’y magmamaliw sa isipan,
Ang madarama ninyo’y katahimikan.

Paru-paro’t bubuyog sa halamanan
Ay maigayang nagsisipagliparan;
Sila’y naglalaro at nag-uunahan
Sa pagdapo upang nektar ko’y matikman.

Araw at gabi sa aki’y nagdaraan,
Init at ginaw’y aking nararanasan;
‘Pagkat bahagi na ng kasalukuyan
At may tungkuling nararapat gampanan.

Kasabay ng pag-agos ng aking buhay
Imahen nama’y nawawalan ng saysay:
Ako’y naluluoy, pisngi’y pumupusyaw;
Samyo’t kariktan ko’y sadyang nawawalay.

Datapwa’t lingid sa inyong kaalaman
Ako’y nalulungkot at nanghihinayang –
Handog ko nga’y pag-irog at karilagan;
Buhay ko nama’y panandalian lamang.

No comments:

Post a Comment