Thursday, July 15, 2010

Ulan

Makukulim na panganori’y nagbunton sa langit,
Nakasisindak na kidlat sa kalawaka’y gumuhit,
Dumagundong ang kulog animo’y leong mabalasik,
Kasunod ang pagpatak ng luhang sa mundo’y humalik.

Saganang butil ng ula’y bumuhos saanmang pook:
Tumagaktak sa kapatagan, parang at mga bundok;
Sumanib, humalo sa tubig-dagat, bukal at ilog;
Yumakap sa mga bulaklak na uhaw sa pag-irog.

Sa paglusong ng biyaya mga daho’y umindayog,
Mga palaka’y nagsiawita’t sa tuwa’y nagdaos,
Nangangalirang na lupa’t bato’y tinigmak nang lubos,
Pagkamuhi sa puso’t isipa’y pinawi, dinurog.

Ula’y sinaliwan yaring sumusutsot na agay-ay,
Dulot nito’y melodiyang nakahahalinang tunay,
Nakalulugod ulinigi’t sa hamaka’y humimlay,
Waring oyayi sa kandungan ng magiliw na inay.

Pagkalipas ng maraming sandali, ula’y tumahan
Matapos sariwain ang pisngi ng sangkalupaan;
Silahis ng araw’y muling sumungaw sa kaulapan,
Kurbadang balangaw sa kaitaasa’y lumarawan.

No comments:

Post a Comment