Sumapit na naman ang bukang liwayway
Kaya si Tandang, nagsimulang sumabay
Sa tilaukang hudyat ng mga tatyaw
Na nalalapit na, pagsikat ng araw.
Habang si Kuliglig, humuhuni lamang
Munting tinig nito’y kay-inam pakinggan
Sa “ingay” ng manok, ‘di siya nasisiyahan
Kaya sa nauna ito’y nangatwiran:
“Madaling-araw pa naman, ‘di ba Tandang?
Mga tao’y tulog pa’t nahihingalay
Kung sa pagtitilaok, ‘di ka tatahan
Pagkakahimbing nila’y baka mahumpay.
“Tingnan mo ako’t hinihele ko pa nga
Silang mga giliw kong namamahinga
Pagtulog ‘di ba’y kailangan din naman
Kaya ‘wag mo silang gambalain nalang.”
“Kahit na pang-aabala,” tugon niya,
“Ang turing ng iba sa ‘king ginagawa
Ito ay tungkuling gawad ni Bathala
Na matapat ko pa ring isasagawa.
“Mali ba, Kuliglig, ang magpaalala?
Oo nga, mga tao’y nahihimlay pa;
Tilaok ko’y isang hudyat sa kanila
Upang makapagsimula nang maaga.”
No comments:
Post a Comment