Ang bunso’y napalundag dahil sa galak
Nang bigyan ng asong maaalagaan;
Punggok ang ipinangalan dahil pandak
At putol ang buntot na nasa hulihan.
Bukod sa kasipagan sa pagbabantay,
Siya ay malapit sa puso ng tanan
Maliban lamang sa lasenggerong tatay
Na nananakit kung kanyang lalapitan.
Isang gabi, si Mang Kardo ay dumating:
Gumigiray-giray sa daang madilim,
Tangan ng kamay ay bote ng inumin –
Subali’t ang aso’y sumalubong pa rin....
Ang umaga’y ginising ng iyak ni Ben
Dahil walang alagang dito’y lumambing –
Si Punggok kasi’y payapang nahihimbing
Sa likod ng dampa, lupa ang kapiling.
No comments:
Post a Comment