Thursday, July 15, 2010

Diyeta



Ito’y nagsimula noong bagong taon
Pagkatapos lumamon ng keyk at hamon;
Sinimulan niya bilang resolusyon –
Panibagong buhay, iiwas sa litson.

Sa unang araw, nagtagumpay si Kolet:
Wala nang matatamis, pati tsokoleyt,
Inisnab ang sorbetes sa loob ng ref,
Tumanggi sa brownies na bigay ng bf.

Isang tasa ng kanin bawat kainan,
Dapat walang taba sa anumang ulam,
Gulay at prutas, ‘di kinakalimutan,
Biskwit at tubig, ‘pag sikmura’y kumalam.

Sit-up at jogging, siya’y laging pawisan,
Walang hinto kahit siya’y pagtawanan;
Determinado siya na mabawasan
Ang tatlumpu’t anim na pulgadang bewang.

Enero singko, iyon ay hatinggabi
Sa uhaw ay nagising si Mommy Rubi;
Pagdating sa kusina ay may napansing
Isang aninong nagkukubli sa dilim.

Dali-dali nitong inapuhap ang switch
At sumambulat ang liwanag sa silid;
Tanging nasambit ng ina ay “tsk tsk tsk”
Si Kolet lang pala, may ice cream sa bibig.

No comments:

Post a Comment